TWL - Features

Libro

person reading libro today we learned blog

Photo by Pixabay from Pexels

Libro

MHARCHELLE AGUSTIN

Tumutugtog ang You and Me ng Lifehouse mula sa earphones na suot namin at kasabay noon ang dahan-dahang pagsalikop ng aming mga daliri. Tumibok nang mabilis ang puso ko saka unti-unting kumalma na para bang sa piling niya, hindi ako madidisgrasya.

Tinapunan ko siya ng tingin at naabutang sa akin siya nakatitig. Nginitian ko siya. Napaiwas siya ng tingin at binalik na lamang ang mga mata sa pagbabasa.

Tatanggalin ko sana ang kamay ko ngunit pinigilan niya ako.

“Magbabasa rin ako,” natatawang ani ko.

“Kailangan kumalas? Ako nga, nagsasakripisyo.”

“Sinabi ko bang magsakripisyo ka? Ganiyan mo ba ko kamahal?” Natatawang gatong ko pa.

“Baka magulat ka,” ngiti niya.

Inilapit niya ako sa kanya at sinandal. Magkatabi kaming nagbasa ng iisang aklat.

Hindi naman talaga ako dati mahilig magbasa. Siya ang dahilan kung bakit nagbabasa ako. Nakakapanibago sa lalaki ang nagbabasa kaya namangha talaga ako na mas gusto niya pang magbasa kaysa tumambay sa labas, uminom ng alak o maglaro ng bola.

“Naisip ko, sa ilang taon nating pagsasama, magkakasya kaya sa libro ang kwento natin?” basag ko sa katahimikan.

Nawala ang mga mata niya sa libro. Tinitigan niya ako nang maigi. Minsan, naiisip ko, ang swerte ko para mapunta sa akin ang titig niya. Dahil karugtong ng pangalan niya ang aklat at pinagpala ako dahil sa kabila ng pagbabasa niya, nagagawa niya pang ilipat ang tingin sa akin.

Pagtapos ng ilang segundo, kibit-balikat lang ang sagot niya sa akin. Napairap ako. Madalas, talo pa rin talaga ako ng pantasyang hatid ng libro.

Natapos ang kantang You and Me ng Lifehouse pero hindi ang pagbabasa namin ng libro. Natanggal ang earphones sa tainga namin pero hindi niya tinanggal ang kanyang kamay. Ngayon, nagbabasa pa rin kami ng iisang aklat nang nakasandal ako sa kanya at magkahawak ang aming mga kamay.

Pero ibang libro na. At siya ang nagsulat.

Libro na kung paano niya ako minahal. . . at minamahal.

Hanggang ngayon. Kahit wala na kaming lakas, kahit puti na ang aming buhok, kahit kulubot na ang aming mga balat.

Hinalikan niya ako sa noo bago bumulong, “Ngayon, hindi mo na lang iisipin. Hawak mo na ang librong dating iniisip mo, mahal ko.”

 


About the author:

Mharchelle Karunungan Agustin started writing since she was in Grade 5 in her extra notebook. As time goes by, her style in writing improved and writing became her passion. Last 2017, she self-published a book entitled Unsaid, a compilation of 45 short stories and poems. But the only thing she wanted eversince is to see her books on bookstores.

***

Help us support and feature more contributors by sharing this blog post! Together, we can foster a community of readers and thinkers.

If you have original content which you think should be featured, check this page!

 

 

Advertisements

Thank you for visiting the blog! Tell us your thoughts below.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.